MANILA, Philippines - Patay ang isang 27-anyos na lalaki matapos barilin ng riding-in-tandem habang nagkukuwentuhan kasama ng kanyang kasintahan sa Tondo, Maynila.
Idineklarang dead-on-arrival sa Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center ang biktimang si Noel Siscar Jr., welder, 59, ng Blue St., Tondo, Maynila na nagtamo ng dalawang tama ng bala ng baril sa ulo.
Inaalam naman ng pulisya ang pagkakakilanlan ng mga suspect na sakay ng motorsiklong hindi naplakahan na patungong Herbosa.
Ayon sa isinagawang imbestigasyon ni PO3 Alonzo Layugan ng Manila Police District Homicide Section, dakong alas-10:00 ng gabi nang maganap ang insidente sa #49 Quirino St. Tondo, Maynila.
Nagkukuwentuhan ang biktima at ang live-in partner na si Rosalie nang biglang sumulpot ang motorsiklo na sakay ang dalawang suspect at walang sabi-sabing binaril ang biktima.
Patuloy na nagsasagawa ng imbestigasyon ang pulisya habang inaalam din kung ano ang tunay na motibo sa pamamaril sa biktima.