Bebot utas sa riding in tandem

MANILA, Philippines - Patay ang isang babae makaraang sorpresang pagba­barilin umano ng riding in tandem suspect sa lungsod Quezon kamakalawa ng gabi.

Dead-on-arrival sa ospital ang biktimang si Janet Rabe 41, ng Taniman St., De Gloria Extension, Area B, Brgy. Batasan Hills sa lungsod.

Agad namang tumakas ang mga salarin na sakay ng isang motorsiklo at pawang mga nakasuot ng helmet papalayo sa pinangyarihan ng krimen.

Ayon sa ulat ni PO1 Alvin Quisumbing, nangyari ang in­sidente sa may Taniman St., malapit sa kanto ng Sitio Payong, Area B, ganap na alas-6:45 ng gabi.

Sinabi ng isang saksi, nakatayo umano ang biktima sa nasabing lugar nang biglang dumating ang isang motor­siklo. Agad na bumaba ang sakay nito saka nilapitan ang biktima at pinagbabaril.

Matapos ang pamamaril ay agad ding sumakay ang gunman­ sa motorsiklo at sumibat papalayo sa lugar.

Habang ang biktima ay nagawa pang isugod ng ilang residente sa St. Matthew Hospital ngunit hindi na rin ito umabot pang buhay.

Patuloy ang imbestigasyon ng awtoridad upang mabatid ang motibo ng nasabing pamamaslang.

Show comments