MACHRA nag-donate sa 'Sendong'
MANILA, Philippines - Nagbigay ng cash donation ang Manila City Hall Reporters’ Association (MACHRA), grupo ng media na nagko-cover sa Manila City Hall at mga barangay officials ng lungsod na nagbigay naman ng tseke para sa mga biktima ng bagyong si ‘Sendong’ sa ginanap na flag-raising ceremony kahapon.
Ito ay tugon sa panawagan ni Manila City Mayor Alfredo Lim sa pangangalap ng pondo para maipagkaloob sa mga biktima ng bagyong ‘Sendong’.
Ang MACHRA officers and members ay nagbigay kahapon ng P15,000 cash donation. Bagama’t ang grupo ay binubuo ng mga pribadong indibidwal na pawang mula sa mga pribadong kompanya na mula sa media, sinabi ng MACHRA na nagpasya itong tumugon sa apelang ginawa ni Lim. Sinabi naman ni Lim na huwag sanang malimutan ng ating mga kababayan na patuloy pa ring naghihirap matapos masalanta ng bagyo sa Mindanao.
Matatandaan na nitong nakaraang buwan ay kinansela ni Lim ang pagsasagawa ng libreng fireworks display sa pagpasok ng Bagong Taon para sa mga residente at sa halip ay nagbigay na lamang ng tig-P1 milyon sa Cagayan de Oro at Iligan sa pamamagitan ng mga alkalde nilang sina Mayor Vicente Emano at Mayor Lawrence Cruz.
- Latest
- Trending