3 shabu lab sa Ayala Alabang, hawak ng iisang sindikato
MANILA, Philippines - Iisang sindikato ang pinaniniwalaang may hawak sa tatlong shabu laboratories na sinalakay ng mga awtoridad sa Ayala-Alabang, Muntinlupa bunga ng pagkakaparehas ng mga kemikal na nakumpiska dito, ayon sa Philippine Drug Enforcement Agency kahapon.
Ayon kay PDEA Director General Jose Gutierrez Jr., magkakapareho ang mga kemikal at residue na lumabas sa resulta na ginawa ng kanilang chemist sa tatlong laboratoryo na nangangahulugan anya na magkakakonektado ang mga ito.
Biyernes nang salakayin ng anti-drug agent ng PDEA ang mga tahanan na matatagpuan sa 119 Kanlaon Street at 36 Kanlaon Drive, kasunod nito ang operasyon sa may 504 Acacia Avenue noong January 6.
Sinabi ni Gutierrez, iti-take over na nila ang properties na ni-raid sa loob ng Ayala-Alabang Village habang isinasagawa ang imbestigasyon.
Dagdag ng opisyal, nakatakda siyang makipagpulong sa mga may-ari ng dalawang sinalakay na tahanan para sa kanilang kapakanan. Ito anya ay para masiguro na ang mga ebidensyang naiwan dito ay hindi makokontamina.
Bukod dito, titingnan din anya nila ang kontrata na pinasok ng mga may-ari sa mga ari-arian nito at kung sino ang umokupa sa dalawang bahay.
Ididetermina rin nila kung maaaring kasuhan ang may-ari ng mga sinalakay na bahay dahil sa illegal drug activities na nangyari dito.
- Latest
- Trending