^

Metro

Chairman ng Brgy. Ayala-Alabang kakasuhan

- Danilo Garcia -

MANILA, Philippines - Maaaring sampahan ng kasong administratibo ng pamahalaang lungsod ng Muntinlupa ang barangay chairman ng Ayala-Alabang sa oras na mabigo itong magbigay ng tamang paliwanag kung bakit nagawang makapaglabas-pasok sa naturang exclusive subdivision ng mga internasyunal na sindikato ng iligal na droga.

Sinabi ni Omar Acosta, hepe ng Public Information Office (PIO) ng Muntinlupa City,  na inatasan na ni Mayor Aldrin San Pedro si Barangay Chairman Alfred Burgos na magpaliwanag kung bakit hindi siya dapat masam­pahan ng kasong adminis­tratibo matapos mabuko ang mga shabu laboratory sa kanyang nasasakupang lugar.

Matatandaan na dalawang beses na sinalakay ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) noong nakaraang linggo ang dalawang bahay sa Ayala-Alabang Village na ginawang “kuta” ng operas­yon ng isang sindikato ng iligal na droga.  Ito’y sa kabila ng ipinatutupad na mahigpit na seguridad sa naturang subdibisyon na tirahan ng mga mayayamang pamilya.

Ayon kay Acosta, malinaw aniya sa umiiral na batas sa ilalim ng Local Government Code na kabilang sa man­dato ng mga barangay officials ang pagpapanatili sa malinis, maayos at maginhawang kapaligiran sa nasasakupan nilang lugar kaya’t nakapagtatakang naisahan sila ng sindikato ng iligal na droga.

Labis aniyang nadismaya si Mayor San Pedro sa magkakasunod na pagsalakay ng mga ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Ayala-Alabang Village na nagresulta sa pagkakatuklas sa laboratoryo ng shabu.

Hindi rin inaasahan ng alkalde na maging ang mga opisyal ng homeowners association ay naging bulag at walang impormasyon sa nangyayaring ilegal na akti­bidad sa loob ng naturang village gayung sobra ang higpit ng seguridad na ipinatutupad ng mga nakatalagang security personnel dito.

Nagtataka rin ang ama ng lungsod kung bakit naka­tunog ang mga may-ari at miyembro ng sindikato sa pinakahuling pagsalakay na ginawa ng PDEA noong Biyernes­ ng gabi sa da­lawang magkahiwalay na lugar­ sa Kanlaon St. at Country­ Drive sa loob ng naturang village kaya’t walang nahuli ang mga awtoridad.

vuukle comment

AYALA-ALABANG VILLAGE

BARANGAY CHAIRMAN ALFRED BURGOS

DRUG ENFORCEMENT AGENCY

KANLAON ST.

LOCAL GOVERNMENT CODE

MAYOR ALDRIN SAN PEDRO

MAYOR SAN PEDRO

MUNTINLUPA CITY

SHY

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with