Ex-con itinumba
MANILA, Philippines - Isang ex-convict na may patung-patong na kaso ang nasawi matapos itong pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang suspek kamakalawa sa Pasay City.
Binawian ng buhay habang ginagamot sa Pasay City General Hospital ang biktimang si Mark Anthony Mallari, 24, tricycle driver, ng Laurel St., Decena, Pasay City sanhi ng tinamong mga tama ng bala sa ibat-ibang bahagi ng katawan buhat sa kalibre .9mm na baril.
Sa inisyal na imbestigasyon ng Pasay City Police, Station Investigation Division (SID), naganap ang insidente dakong alas-5:00 ng hapon sa panulukan ng Laurel at Decena Sts., ng nabanggit na lungsod.
Nabatid na habang nakatayo ang biktima ay biglang sumulpot ang suspek at walang sabi-sabi itong pinagbabaril hanggang sa tuluyang bumulagta.
Matapos ang pamamaril ay kaagad na tumakas ang suspek at ang biktima naman ay dinala ng kanyang mga kaanak sa nabanggit na pagamutan, subalit binawian din ito ng buhay habang ginagamot.
Base sa record ng pulisya, nabatid na ang nasawing biktima ay may dating mga kasong serious physical injuries, theft at droga, kung saan ay nasentensiyahan ito ng korte.
Nabatid pa na naka- probation lamang ito noong 2007 dahil sa kasong serious physical injuries at sa ngayon ay pansamantalang nakalaya ito dahil sa piyansa sa kasong droga.
Sa ngayon ay patuloy ang isinasagawang imbestigasyon sa kaso.
- Latest
- Trending