MANILA, Philippines - Arestado ang magkaibigan na inaakusahang nagpapakalat ng mga pekeng P1,000 sa mga tindahan sa Mandaluyong City kahapon ng umaga.
Kapwa nakadetine sa Mandaluyong City Police Station ang mga suspek na sina Don Ryan Macapagal, 23, binata, ng Barrio San Isidro, Sta. Ana, Pampanga at Rodrigo Timola Jr., 25, ng Lower Bicutan, Taguig City.
Ayon kay P/Chief Insp. Numeriano Gabuya, hepe ng Criminal Investigation Unit (CIU), ang magkaibigan ay naaresto ng mga miyembro ng Bantay Bayan batay sa reklamo ng biktimang si Luzviminda Banaag, 39, negosyante at ng Nueve de Pebrero St., Mandaluyong City.
Sa reklamo ng biktima, lumilitaw na dakong alas-2:30 ng madaling-araw habang siya’y abalang nagtitinda sa kanyang Mini-Store nang bumili ang dalawang suspek ng inumin at sigarilyo na nagkakahalaga ng P61.
Nagbigay umano ng isang P1,000 bill ang mga suspek, ngunit bago pa man suklian ay tiningnan muna ng biktima sa kaniyang money detector kung peke o hindi ang pera.
Nang matiyak na peke ay palihim na umanong tumawag sa Bantay Bayan ang biktima at ipinaaresto ang dalawa.
Pagdating ng mga miyembro ng Bantay Bayan ay tinangka pa umanong tumakas ng mga suspek ngunit dahil may polio si Macapagal ay hindi rin nito nagawa pang makatakas hanggang sa tuluyang maaresto.
Bukod sa ibinayad nilang pekeng pera kay Banaag, narekober din ng mga awtoridad mula sa mga suspek ang dalawa pang pekeng P1,000 bill sanhi upang kaagad na itong dalhin sa presinto.
Aminado naman ang dalawa na alam nilang peke ang dalang pera at sinubukan lamang nila kung makakalusot ito kung gagamitin nila sa pagbili sa mga sari-sari store.
Ang mga suspek ay nahaharap na sa kasong estafa at counterfeiting.