MANILA, Philippines - Dalawang pinaniniwalaan na namang shabu laboratory ang sinalakay ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Unit (PDEA) sa isang exclusive subdivision sa Muntinlupa City kamakalawa ng gabi.
Base sa inisyung search warrant ni Manila Regional Trial Court (RTC) Judge Marino M. dela Cruz, ng Branch 22, dakong alas-11:00 ng gabi nang salakayin ng operatiba ng PDEA sa pamumuno ni Director Jose Gutierrez ang dalawang bahay sa #119 Kanlaon St. at #536 Country Drive, Brgy. Ayala-Alabang Village ng nabanggit na siyudad.
Nabatid na halos tatlong kilong shabu, sampung malalaking balde na naglalaman ng mga kemikal bilang sangkap sa paggawa ng shabu at iba’t ibang equipment ang nakumpiska ng mga PDEA agent.
Napag-alaman na unang sinalakay ng mga awtoridad ang isang bahay sa Kanlaon St. kung saan umuupa ang isang Chinese national na nakilalang si Ho Man Kwan na dito nakuha ang tatlong kilo ng shabu at kahun-kahon na pseudo ephedrine.
Mabilis namang nakatakas ang naturang dayuhan at hindi pa nakikilalang may-ari ng bahay. Sinabi ni Gutierrez, mahigpit na ipinagbabawal ang pagpapasok dito sa bansa ng pseudo ephedrine dahil masama ang epekto nito sa kalusugan ng tao. Habang sa ikalawang bahay sa Country Drive, na pag-aari ni Mario Albrasin ay nakuha ang mga chemical waste materials at isang diagram na nagtuturo kung paano gawin ang droga. Nakatakas din ang mga naninirahan sa nasabing bahay na kung saan inuupahan ito ng mga Japanese at Hongkong nationals.
Matatandaan na noong Enero 6 ay naunang ni-raid ng PDEA ang isang mansion sa #504 Acacia Avenue sa nabanggit na village, kung saan isa rin itong shabu laboratory at limang Chinese national ang arestado.
Samantala, nadismaya naman si Muntinlupa City Mayor Aldrin San Pedro sa panibagong pagkakadiskubre sa dalawang shabu laboratory na sinalakay ng mga tauhan ng PDEA.
Ayon kay Mayor San Pedro, na kanyang ipapatawag ang Barangay Chairman na si Alfred Burgos upang magpaliwanag kung bakit laganap at nakakalusot ang mga shabu laboratory sa kanyang jurisdiction.
“Hindi lang drugs, baka kasi may iba pang illegal activities na nangyayari sa loob na hindi natin alam kaya’t dapat magpaliwanag si Barangay Chairman Burgos dahil hindi lang isang beses ito nangyari, may panibago na namang nadiskubre sa kanyang nasasakupan,” dagdag pa ni San Pedro.
Aniya, kailangang magkaroon ng koordinasyon at pagtutulungan ang mga lokal na kapulisan, barangay officials sa lahat ng lugar na kanilang nasasakupan upang hindi na muling maulit ang insidente.