Bentahan ng Cytotec sa Quiapo Church, patuloy
MANILA, Philippines – Patuloy pa rin ang bentahan ng Cytotec pills sa paligid ng Quiapo Church sa kabila ng pagbabawal ng mga awtoridad.
Ito ang nabatid kay Monsignor Clemente Ignacio, parish priest ng Quiapo Church kung saan pasikreto pa rin umanong ipinagbibili sa paligid ng simbahan ang ilang uri ng abortion drugs, tulad ng Cytotec.
Ayon kay Ignacio, nakakalungkot lamang dahil kasamang ibinebenta ang mga abortion pills ng mga religious items.
Ang Cytotec ay gamot sa sakit na ulcer ngunit ipinagbawal ang pagbebenta nito matapos na matuklasang nagiging sanhi ito ng pagkalaglag ng sanggol ng mga buntis.
Sinabi ni Ignacio na may ilan umanong taong nagsisilbing barker na gumagala sa paligid ng Quiapo na naghahanap ng kostumer.
Nakakatanggap umano ang mga naturang barker ng komisyon sa bawat kostumer na bumibili ng Cytotec.
Nilinaw naman ni Ignacio na masusi nang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang naturang kaso at inoobserbahan na ngayon ang naturang iligal na gawain ng mga vendor.
Maging ang mga ligal na tindero ay nag-oobserba na rin umano sa kanilang hanay upang protektahan ang kanilang negosyo sa paligid ng simbahan.
- Latest
- Trending