Parak, 3 pa timbog sa pot session
MANILA, Philippines – Isa na namang pulis ang inaresto kasama ng tatlo pang kasamahan nito ng Anti-Drug Unit ng Quezon City Police District makaraang mahuli sa aktong tumitira ng shabu sa isang bahay sa lungsod, iniulat kahapon.
Ayon sa ulat ng District Anti-Drug-Special Operations Task Group ng QCPD, nakilala ang nadakip na pulis na si PO2 Zaldy Matias 27, nakatalaga sa District Public Safety Battalion (DPSB) ng QCPD. Habang ang mga kasama nito ay sina Madel Vilandro 45; Estrella Sioson, 22; at Paquito Eser Jr. 42.
Ayon kay PO3 Vicben Padua, ng DAID-QCPD, inaresto ang mga suspect matapos na makatanggap sila ng impormasyon buhat sa isang concerned citizen kaugnay sa isang tahanan sa Brgy. Old Balara na ginagawang drug den.
Ganap na alas-4:30 ng madaling-araw ay agad na nagsagawa ng operasyon ang nasabing tropa kung saan pinasok ang bahay ni Vilandro at nahuli sa akto ang mga suspect na humihithit ng shabu.
Agad na dinisarmahan ng mga operatiba si Matias at kinumpiska ang service firearm nitong 9mm Pietro Berretta.
Narekober din sa lugar ang apat na plastic sachet ng shabu, apat na aluminum foil, limang piraso na lighter, isang gunting, kahon ng plastic sachet at isang tooter.
Nakapiit ngayon ang mga suspect sa QCPD Camp Karingal sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang Dangerous Drug Act of 2002.
- Latest
- Trending