33 katao sugatan sa demolisyon sa San Juan
MANILA, Philippines – May 33 katao ang nasugatan matapos umulan ng mga tipak ng bato at mga bote na sinabayan pa nang pagpapasabog ng pillbox, ang isinagawang demolisyon sa squatters sa Brgy. Corazon de Jesus sa San Juan City kahapon ng umaga.
Kabilang umano sa mga nasugatan ay mga miyembro ng demolition team, apat na miyembro ng Eastern Police District (EPD), dalawang kagawad ng Bureau of Fire Protection (BFP) at mga residente.
Ilan sa mga nasugatan ay nakilalang sina Ernesto Dayrit, Joseph Deo, Ronald Atanacio, PO2 Joel Peñaranda, PO1 Benedict Aguda, at isang PO1 Fajardo ng EPD.
Ang mga sugatan ay pawang nagtamo ng tama ng bato at basag na bote sa ulo at iba’t- ibang parte ng katawan.
Nauna rito, bago pa ang pagdemolis ay sinuspinde ng pamahalaang lokal ang pasok sa eskwela ng San Juan National High School na matatagpuan sa Pinaglaban Shrine, Brgy. Corazon de Jesus para maprotektahan ang mga mag-aaral at hindi maapektuhan sa nakaambang kaguluhan dulot na rin nang pagmamatigas ng mga residente na lisanin ang nasabing lugar.
Dakong alas-9:00 ng umaga nang tangkaing pasukin ng demolition team ang lugar gayunman, hindi kaagad nakaporma ang demolition team dahil napaghandaan umano sila ng mga informal settlers.
Unang sumalubong sa demolition team ang mga tambak ng mga basag na bote at kasunod na nito ang pag-ulan ng mga bato at basyong bote, gayundin ang paghagis sa kanila ng mga pillbox.
Matapos ang halos isang oras, marami na sa miyembro ng demolition team ang nasugatan, at saka pa lamang nakakilos ang mga ito laban sa mga lumalabang residente at binomba sila ng tubig, kaya lamang napasok ng mga ito ang lugar, kasunod na ang mga anti-riot police.
Nabatid na ito na ang ikatlong beses na nai-demolish ang nasabing lugar at marami na sa mga residente ang nai-relocate sa Rodriguez, Rizal, habang ang ilan ay patuloy na tumatangging umalis doon.
- Latest
- Trending