Karera ng mga bus, matitigil na - MMDA
MANILA, Philippines - Umaasa ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na matitigil na ang karerahan ng mga walang disiplinang bus drivers sa EDSA at sa ilan pang pangunahing kalsada dahil sa agawan ng mga pasahero kung susunod ang mga kompanya ng bus sa pagpapatupad ng regular na suweldo sa Enero 16.
Sinabi ni MMDA Chairman Francis Tolentino na isa sa pangunahing sanhi ng aksidente sa EDSA lalo na sa madaling-araw at umaga ay ang pagkakarerahan ng mga pampasaherong bus para makarami ng pasahero dahil sa sistema ng komisyon na pinatutupad ng mga may-ari ng bus.
Nagbabala si Tolentino sa mga bus operators na ang hindi susunod dito ay may nakalaan na parusa base sa umiiral na Labor Code of the Philippines.
Base sa kautusan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), dapat magbigay na ng regular na suweldo na hindi bababa sa umiiral na minimum wage at mga benepisyo base sa umiiral na Labor Code of the Philippines ang mga bus companies.
Makakatulong din umano ang performance based na insentibo na ibibigay ng mga bus companies upang maging mas ligtas sa pagmamaneho ang mga bus drivers. Ibabase umano ang naturang insentibo sa net income ng operator at ang safety records ng mga bus drivers.
Nakasaad din na dapat magtrabaho lamang ng walong oras ang driver at konduktor at tatanggap ng overtime pay sa sobrang oras na itatrabaho ng mga ito.
- Latest
- Trending