MANILA, Philippines - Masusing iniimbestigahan ng Manila Police District (MPD) ang motibo sa pamamaril sa isang binatilyo ng isang ‘di pa kilalang lalaki na sakay ng isang kulay berdeng taxi, sa San Andres, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Sinubukan pang isalba ng mga doctor sa Ospital ng Maynila ang biktimang si Julius Cesar B. Venzon Jr.,out of school youth, ng Building no.4 Osmena Highway, San Andres, Maynila. Sa ulat ni PO1 Richie Caligagan ng Manila Police District-Homicide Section, naganap ang insidente dakong alas 9:20 ng gabi sa panulukan ng Vito Cruz at Osmena Highway sa nasabing lugar. Nakikipagkuwentuhan umano ang binatilyo sa ilang kaibigan nang biglang humimpil sa tapat nila ang nasabing taxi, na hindi naplakahan at biglang pinaputukan ang biktima sa katawan, bago humarurot ang taxi papalayo sa lugar. May hinala ang pulisya na posibleng napagkamalan lamang ang biktima at ibang tao ang target dahil napakabata pa nito at madilim sa lugar na tinatambayan ng grupo ng biktima. Nangangalap pa ng impormasyon at ebidensiya ang awtoridad upang matukoy ang pagkilanlan ng gunman.