Kelot patay sa QC ambush

MANILA, Philippines - Patay ang isang 48-anyos na lalaki makaraang paulanan ng bala ng baril sa katawan ng hindi pa nakikilalang salarin na naka-bonnet sa tapat ng kanyang bahay sa Quezon City, kamakalawa ng gabi.

Namatay habang isinusugod sa Fairview General Hospital ang biktima na kinilalang si Wilfredo Maglipas, ng Block 1, Kalachuchi St., Brgy. Payatas A, ng naturang lungsod bunga ng tinamong mga tama ng bala ng baril sa kanyang katawan.

Ayon sa ulat ng Quezon City Police District-Station 6, naganap ang insidente dakong alas-10:40 ng gabi kama­kalawa sa tapat ng bahay ng biktima sa Block 1 Kalachuchi St., Brgy. Payatas A.

Ayon kay SPO1 Alden Lasam, nagpapahangin umano sa labas ng kanilang bahay ang biktima nang malapitang pagbabarilin ng hindi nakikilalang lalaki na nasa gulang na 20-25-anyos, 5’2’’ ang taas, katamtaman ang panganga­tawan, nakasuot ng maong pants.

Matapos ang pamamaril ay mabilis na tumakas ang suspect. Blangko pa ang pulisya sa motibo sa isinagawang krimen.

Show comments