Biktima ng summary execution natagpuan
MANILA, Philippines - Isa na namang lalaki na sinasabing biktima ng summary execution ang natagpuan sa Brgy. Don Fabian sa kahabaan ng Commonwealth Avenue, Quezon City kahapon.
Ang biktima na kasalukuyang bineberipika ang pagkakakilanlan ay tinatayang nasa pagitan ng edad na 35-40, may taas na 5’6’’, nakasuot ng kulay brown na shorts.
Nakabalot ng packaging tape ang mukha ng biktima at nakagapos ang mga kamay nito kung saan pinagsasaksak ng ice pick sa dibdib.
Sa ulat, pasado alas-3 ng madaling-araw nang matagpuan ng ilang vendor ang nakabulagtang lalaki sa may tapat ng Don Fabian Subdivision sa nabanggit na lungsod.
Unang inakala na senglot lamang ang lalaki at nakatulog sa kalye kaya hinayaan lamang ito ng mga vendor.
Pero nang unti-unting gumagapang ang liwanag sa himpapawid ay saka lamang nalaman na isa na pala itong bangkay habang patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya.
- Latest
- Trending