Lalaki binistay ng bala ng riding in tandem

MANILA, Philippines - Agad na nasawi ang isang 45-anyos na lalaki makaraang pagbabarilin ng mga hindi pa nakikilalang salarin habang nagbibisikleta, kamakalawa ng gabi sa Marikina City. Nakilala ang nasawi na si Rolando Dili-dili, ng Bagong Silang, Brgy. Parang, ng naturang lungsod. Sa ulat ng Marikina City Police, naganap ang pamamaslang dakong alas-11:45 ng gabi sa may Rodriguez St., Brgy. Parang. Kagagaling lamang ng kanyang bahay ang biktima at nagbibisikleta nang pagbabarilin ng dalawang lalaki lulan ng isang motorsiklo. Mabilis na tumakas ang mga salarin makaraan ang pamamaril habang isinugod sa Amang Rodriguez Medical Center ang biktima ngunit hindi na umabot ng buhay dahil sa limang tama ng bala. Hinihinala naman ng pulisya na sigalot sa iligal na droga ang motibo ng pamamaslang. Napag-alaman kasi na ang kinakasamang babae ni Dili-dili ay dalawang beses nang naaresto ng pulisya dahil sa pagtutulak ng iligal na droga.

Show comments