10 sabit sa indiscriminate firing, kakasuhan

MANILA, Philippines - Sampu katao kabilang ang dalawang pulis ang nasangkot sa indiscriminate firing sa pagsalubong sa Pasko at Bagong Taon sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Sa press briefing sa Camp Crame kahapon, inanunsyo ni PNP Chief Director General Nicanor Bartolome ang pagsasampa ng kasong kriminal laban sa mga kinauukulan.

Kabilang sa mga nasakote ay tinukoy ni Bartolome na sina PO2 Fulgencio Sedeco, nasangkot sa indiscriminate firing sa lungsod ng Maynila; Corporal Reynold Reyes ng Philippine Army, nagpaputok ng baril sa Region VI; security guard na si Noel Briones sa Region VI at anim na sibilyan dalawa rito ay kinilalang sina Edgar Celino sa Region 10, Benedicto Salamatin na nagpaputok naman ng baril sa Laguna na hindi lisensyado at iba pa.

Patuloy namang pinaghahanap ang isa pang parak na si PO2 Efren Dimaiwat ng PNP Training Service na nasangkot naman sa pamamaril gamit ang kaniyang cal 9 MM sa hurisdiksyon ng Southern Police District nitong Bagong Taon.

Ayon kay Bartolome, ang naitalang insidente ay mula Disyembre 1 ng 2011 hanggang Enero 1 ng taong 2012.

Samantalang sa 18 insidente ng mga naiulat na biktima ng stray bullet o ligaw na bala, sinabi nito na patuloy ang imbestigasyon upang matukoy kung sinu-sino ang mga responsable sa insidente para masampahan ng kaso.

Aminado naman si Bartolome na kung hindi lisensyado ang baril na ginamit ay mahihirapan silang malaman kung sino ang may-ari nito para mapanagot sa batas.

Samantalang sa ipinalabas na data ng PNP National Ope­rations Center, sa kabuuang 114 kataong inaresto, 99 dito ay sanhi ng paglabag sa firecracker law na nagbebenta ng ipinagba­bawal na paputok at mga nasangkot sa posesyon gayundin sa paggamit nito.

Naitala rin ang tatlong insidente ng sunog na tinatayang aabot sa P 1 bilyon ang naging pinsala habang aabot naman sa 454 biktima ng paputok sa kabuuang 476 kataong nasugatan sa pagsalubong sa Kapaskuhan at Bagong Taon.

 Sa kabila ng nasabing mga insidente, iniulat ng PNP Chief na naging mapayapa sa pangkalahatan ang pagsalubong sa Pasko at Bagong Taon ng 2012 dahilan sa pakikiisa sa “Iwas Paputok campaign” ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan.   

Show comments