Public pool, pinasinayaan sa Maynila
MANILA, Philippines - Pinasinayaan ni Manila Mayor Alfredo S. Lim ang swimming pool sa Paco, Maynila na inayos at pinaganda para magamit nang libre ng publiko.
Kasama ni Lim sa inagurasyon ng Bagong Buhay Swimming Pool sina fifth district Councilors Robert Ortega at Josie Siscar, first district Coun. Niño dela Cruz, barangay chair Irene Rillo, parks and recreations bureau chief Engr. Deng Manimbo, Dr. Mario Lato at Dr. Janet Tan at chief of staff and media bureau chief Ric de Guzman.
Ayon kay Lim, ang nasabing swimming pool ay maaaring gamitin ng publiko lalo na ng mga residente ng ikalimang distrito ng Maynila.
Bukod sa regalong swimming pool, namahagi rin si Lim ng aginaldo sa mga bata.
Paalala lamang ni Lim, dapat na panatilihing maayos at malinis ng mga gumagamit ang swimming pool at iwasan ang bandalismo.
Nabatid naman kay Manimbo na ang Bagong Buhay Swimming pool ay may sapat na water supply at filtration system, male at female shower rooms at comfort rooms.
Ang adult pool ay may sukat na 450 square meters habang ang pambatang pool ay 50 square meters.
- Latest
- Trending



















