Pulis na bumaril sa kapwa parak, pinadidismis
MANILA, Philippines - Inutos na ni PNP Chief Director General Nicanor Bartolome ang pagsasampa ng kasong administratibo at kriminal laban sa isang pulis na nahaharap sa pagkakadismis sa serbisyo matapos nitong barilin at mapatay ang kapwa nito alagad ng batas sa raid sa bentahan ng illegal na paputok sa North Fairview, Quezon City noong Huwebes.
“I already instructed Chief Supt. George Regis to immediately file administrative and criminal case against PO1 Faisal Mala, such grave offense is punishable by dismissal from service,” ani Bartolome na dumalaw sa burol sa Caloocan City ng nasawing si PO2 Bernard Quintero.
Si Mala , nakatalaga sa Lanao del Sur Provincial Police Office (PPO) ay siyang bumaril kay Quintero ng Quezon City Police District Station 5 ay nagsasagawa ng surveillance operation sa lugar kung saan ni-raid ang stall ni Mala na nagbebenta ng illegal na paputok sa Fairmont Subdivision sa Regalado, Fairview, Quezon City.
Binawian ng buhay si Quintero habang nilalapatan ng lunas sa pagamutan ang isa pa nitong kasamahan.
Samantala, ipinaalam din ni Bartolome kung bakit nasa Metro Manila si Mala gayong nakatalaga ito sa Lanao del Sur PPO.
Inihayag din ni Bartolome na bibigyan niya ng posthumous promotion si Quintero na nagbuwis ng buhay sa crackdown operation ng PNP laban sa mga ipinagbabawal na paputok.
Magugunita na nagpalabas ng direktiba si Bartolome sa kapulisan na palakasin ang crackdown laban sa mga illegal, malalakas at mapanganib na ipinagbabawal na paputok upang mabawasan ang mga biktima sa pagsalubong sa Pasko at Bagong Taon.
- Latest
- Trending














