MANILA, Philippines - Binaril at napatay ang isang umano’y holdaper nang matiyempuhan ng nagpapatrulyang pulis na tumatakas matapos holdapin ang isang babae, sa C.M. Recto Avenue, Binondo, Maynila.
Sa ulat ni SPO2 Edmundo Cabal kay Senior Insp. Joey de Ocampo, hepe ng Manila Police District-Homicide Section, walang nakitang pagkakakilanlan sa suspect na napatay na inilarawan lamang sa edad na 35 hanggang 45; matangkad; kayumanggi; katamtaman ang pangangatawan; mahaba ang buhok; nakasuot ng long sleeve na kulay gray, khaki short pants at kulay pula ang tsinelas.
Dakong alas-12:30 ng madaling-araw kahapon nang maganap ang insidente sa Recto Avenue.
Sa imbestigasyon, nagpapatrulya si Senior Insp. Rolando Lorenzo at iba pang miyembro ng Anti-Crime Unit ng MPD-Station 2 nang makarinig ng sigaw ang grupo nito ng “hinoholdap ako ng naka-itim na sombrero” kaya agad nilang hinabol ang nasabing suspect.
Sa kabila ng pagpapakilalang mga pulis, patuloy pa rin sa pagtakbo ang suspect na may bitbit na bag pambabae kaya napilitang paputukan ito ni Lorenzo, na agad namang bumulagta sa kalye at bumubulwak ang dugo mula sa ulo nito.
Agad na ring lumapit ang biktima ng holdap na kinilalang si Christine Olive Garcia, 21, dalaga at residente ng Sampaguita St., Batasan Hills, Quezon City, na positibong kumilala sa suspect.
Sa salaysay ng biktima, namili siya ng mga prutas sa Divisoria market at habang naglalakad upang mag-abang ng masasakyan ay inakbayan siya ng suspect at binulungan ng: “Ibigay mo sa akin ang bag mo at ’wag kang maingay,” at nang matangay ay mabilis na naglakad papalayo.
Hindi nasiraan ng loob ang dalaga at nagsisigaw ito na nakapukaw ng atensiyon ng mga pulis.
Narekober ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ang isang kulay pink na wallet at bag na may lamang P1,200 at iba pang personal na gamit.
Nakuha naman sa suspect ang hawak nitong North American Arms na snub nose, na may limang bala.