Driver bugbog-sarado sa parak
MANILA, Philippines - Dumulog sa himpilan ng Manila Police District General Assignment Section ang isang 48-anyos na taxi driver upang ireklamo ang lasing na pulis na gumulpi sa kanya sa Malate Maynila, inulat kahapon
“Hindi naman ho ako tumangging magsakay, ang sabi ko ay hindi ako papasok sa loob dahil madaming holdaper sa lugar”.
Ito ang ipinaliwanag ni Roberto Cantuba,48, taxi driver at residente ng Malate, Maynila matapos ireklamo si SPO1 Rolando Yulo, nakatalaga sa RPIOU, NCRPO sa Camp Bagong Diwa,Bicutan Taguig.
Ayon kay Cantuba, dakong alas-3:30 ng madaling araw kahapon ng mangyari ang insidente sa harap ng Socialista Bar sa may Remedios St., Malate, Maynila.
Isang pasahero na umano’y kasama ni Yulo, ang pumara ng taxi niyang EMP (TXB-250) at nagpapahatid sa Eva Compond CAA, Las Piñas.
Sinabi ng biktima na payag siyang ihatid ang pasahero sa lugar, pero sinabi ni Cantuba na sa labas lamang ng Compound siya maghahatid dahil sa maraming holdaper sa loob.
Maya-maya ay lumapit na si Yulo na noon ay walang damit pang-itaas, lasing na lasing at pumasok sa loob ng kanyang taxi at sinimulan siyang pagsusuntukin sa mukha. Pinagmumura rin siya nito at binantaang patayin.
Nakawala lamang umano ang biktima ng magawa niyang paarangkadahin ang taxi at saka dumiretso sa himpilan ng pulisya para magreklamo.
- Latest
- Trending