Lolo 'lumipad' sa tulay sa Marikina, kritikal
MANILA, Philippines - Kritikal ang isang 61-anyos na lolo makaraang malaglag sa isang mataas na tulay sa Marikina City kamakalawa ng umaga.
Agad na sinaklolohan ng mga residente at ng mga tauhan ng Marikina City Rescue 161 ang biktimang nakilalang si Jaime Ibajan, ng Block 2 Caingin St., Brgy. Pansol, Quezon City.
Sa ulat ng Marikina City Police, naganap ang insidente dakong alas-11:40 ng tanghali sa pinakamataas na bahagi ng Tumana Bridge.
Nabatid na tumawid ng Marikina River ang biktima buhat sa kanyang tahanan sa hangganan ng Marikina at Quezon City.
Nagulat naman ang mga nakasaksi nang biglang itaas umano ng biktima ang mga kamay saka tumalon ng naturang tulay. Nagtamo ng matinding sugat sa ulo habang nagkabali-bali ang mga buto nito sa pagbagsak.
Ayon sa mga kaanak ng biktima, may kapansanan na umano sa pag-iisip ang biktima at maaaring sinumpong ito ng sakit kaya nagawang tumalon sa naturang tulay.
- Latest
- Trending