MANILA, Philippines - Isang lalaki na unang nagsumbong na tinangay ang kanyang sasakyan ang inaresto ng awtoridad matapos na mabatid na isinanla pala niya ito at hindi nanakaw sa lungsod Quezon, ayon sa ulat ng pulisya kahapon.
Si Alexander Peralta, 49, ng Caloocan City, ay sinampahan ng kasong perjury, ayon kay Superintendent Ferdinand Villanueva, hepe ng Anti-Carnapping Unit ng Quezon City Police District.
Ayon kay Villanueva, nagsinungaling si Peralta sa report na pagnanakaw hinggil sa sinasabing pagkawala ng kanyang model 2011 na kulay puting Kia Rio (POE-123).
Base sa report na isinumite ni Peralta, ang Sedan ay sinasabing nawawala noon pang umaga ng December 22.
Sinabi ng suspect na nakaparada ang kanyang sasakyan sa isang drug store sa kahabaan ng Susano Road sa Novaliches sa pagitan ng alas-7:10 ng umaga at alas-8:40 ng umaga, nang tangayin ito.
Agad na inireport ng suspect ang insidente sa may QCPD-Station 4 ng mga sumunod na araw. Pero napuna ng mga imbestigador ang suspect habang iniimbestigahan na tila ninenerbiyos kapag sumasagot sa mga tanong.
Sa patuloy na pag-iimbestiga ay saka napilitang umamin ang suspect na ang Sedan ay isinanla niya sa isang lalaki sa halagang P100,000 sa may casino.
Dito na iniatras ng suspect ang kanyang dating pahayag hinggil sa sinasabing pagnanakaw sa kanyang sasakyan kung kaya siya naman ang kinasuhan ng mga awtoridad.