MANILA, Philippines - Dinakip ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) ang dalawang babae na natukoy na nagbebenta at suplayer ng mga gamot na gamit sa pampalaglag sa tabi ng simbahan ng Quiapo.
Sa bahay ng mga suspect na kinilalang sina Maxima Enriquez at Yolanda Ramos, ng Marulas, Caloocan City isinilbi ang search warrants ng mga operatiba ng NBI kung saan nakuha sa kanilang pag-iingat ang may isang dosenang banig ng ‘Cytotec pills’ na nakatakdang ideliber umano sa Quiapo, kahapon dakong alas-3:00 ng madaling-araw.
Bukod sa Cytotec, na kilala rin bilang abortion pills, nakasamsam din ang NBI ng Arthrotec at Methergin, na tulad din ng Cytotec na ang epekto ay maaring maglaglag ng bata sa sinapupunan.
Sinabi ni NBI Reaction Arrest and Interdiction Division (NBI-RAID) head Atty. Ross Jonathan Galicia, natanggap nila ang impormasyon sa iligal na aktibidad ng dalawang suspect na front lamang ang pagtitinda ng herbal products at mga figurine ng santo sa tabi ng Quiapo church.