Ex-con patay sa pamamaril ng apat na armado

MANILA, Philippines - Isang dating preso na kalalabas pa lamang sa piitan ang binaril at napatay ng apat na armadong kalalakihan habang kumakain ng hapunan sa isang karinderya sa lungsod Quezon kamakalawa ng gabi.

Nakilala ang nasawi na si Richard Ablay, 35, mekaniko, ng Unit V Purok 14 Sampaguita St., Brgy. Commonwealth.

Napag-alamang kamaka­ilan lamang lumaya si Ablay   sa piitan matapos na bunuin nito ang kasong robbery.

Dead-on-the-spot sa lugar si Ablay bunga ng mga tama ng bala sa kanyang katawan.

Nangyari ang insidente sa may Joey’s Gotohan sa Unit V Purok 15 Pilot Drive Extension, Brgy. Commonwealth ganap na alas-11 ng gabi.

Sinabi ni Alfie Comendador, waiter sa karinderya, kao-order pa lamang ng biktima ng pagkain at hindi pa nagsisimulang sumubo nang dumating ang dalawang motorsiklo na pawang may angkas saka walang sabi-sabing pinagbabaril ang biktima.

Matapos bumuwal ng biktima ay saka nagsipagtakas papalayo ang mga suspect.

Show comments