MANILA, Philippines - Isang empleyado ng University of the Philippines-Diliman ang umano’y nagpakamatay sa pamamagitan ng pagbaril sa sarili sa loob ng nasabing campus kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni PO1 Allan Quisumbing ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District, ang biktima na si Moises Amelito Pancho, 38, laboratory assistant sa College of Engineering ng nasabing unibersidad.
Natagpuan itong walang buhay sa may football field ng unibersidad, katabi ng Bahay-Alumni, ganap na alas-10:30 ng gabi.
Bago nito, nagpapatrulya ang security guard na si Rosete Jalohoy nang mapuna nito ang isang lalaki na nakahandusay sa madilim na bahagi ng nasabing lugar.
Unang inakala ng sekyu na nakatulog ang biktima o biktima ng holdap, pero nang kanyang lapitan ay bumulaga sa kanya ang duguang ulo nito.
Sa pagsisiyasat ng awtoridad, natagpuan sa tabi ng biktima ang isang pen gun o sumpak na pinaniniwalaang ginamit nito sa pagpapakamatay sa pamamagitan ng pagbaril sa kanyang bibig at ang bala ay naglagos sa gawing likod.
Ayon naman kay Basilio, tatay ng biktima, wala siyang nalalamang dahilan upang magpakamatay ang kanyang anak maliban sa pagkakaroon ng away nito sa kanyang misis.
Patuloy ang pagsisiyasat ng pulisya sa nasabing insidente upang matukoy kung may naganap na foul play.