Personal aide ni Ramgen, idinidiin ni Genelyn
MANILA, Philippines - Hiniling ng kampo ni Genelyn Magsaysay sa Parañaque City Prosecutors Office ang pagsasailalim sa preliminary investigation ng itinuturing na personal aide ng napaslang na si Ramgen Revilla.
Dakong alas-6:00 kamakalawa ng hapon nang ihabol ng abogado ni Magsaysay na si Atty. Jeffrey Gepte ang kahilingan na isailalim sa preliminary investigation si Ronald Ancajas dahil sa itinatago nitong sama ng loob sa pamilya Revilla, partikular umano kay Ramgen.
Bukod dito, si Ancajas lamang umano ang nakakabatid sa mga aktibidad ni Ramgen kaya’t hindi maiaalis sa ina ng nasawi na maghinala kay Ancajas.
Kung naniniwala aniya ang mga imbestigador na ang nangyaring pamamaslang ay isang inside job, ito rin ang pananaw ni Genelyn bagama’t hindi siya naniniwala na may kinalaman sa krimen ang kanyang mga anak.
Magugunita na sinampahan ng kaso ng pulisya ang mga kapatid ni Ramgen na sina Ramon Joseph “RJ” Revilla at Maria Ramona Belen Bautista bilang mga utak sa krimen habang nadadawit na rin sa kaso ang isa pa nilang kapatid na si Gail at mister nitong Hiro Furuyama matapos isangkot ng biktima ring si Janelle Manahan.
Sa panig naman ni Ancajas, tahasan niyang sinabi na mali ang inihaing kahilingan ng kampo ni Genelyn dahil wala siyang kinalaman sa krimen.
- Latest
- Trending