2 vendor sa Divisoria itinumba

MANILA, Philippines - Dalawang vendor ng Divisoria market ang bumulagta nang pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang mga lalaki sa Binondo, Maynila, kamakalawa ng gabi.

Kapwa idineklarang patay nang isugod sa Mary Johnston Hospital ang mga biktimang sina Alvin Garrido, 32 at Dionisio Talao, 32, bunga ng mga tinamong bala sa katawan.

Sa ulat ni PO2 Jose Gumilan ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas 10:30 ng gabi nang pagbabarilin ng dalawang di nakilalang mga suspect ang dalawang biktima na nasa C.M Recto Avenue panulukan ng Juan Luna St., Binondo.

Matapos ang pamamaril ay mabilis na tumakas ang mga suspect.

Blangko pa ang pulisya sa motibo sa isinagawang pamamaril sa mga biktima, habang patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ukol dito.

Show comments