16 na impormante ng PDEA naghati sa P3.2-M reward
MANILA, Philippines - Umabot sa P3.2 milyon ang halaga ng pabuya na ipinagkaloob ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa labing-anim na impormante na naging susi para maaresto at mabuwag ang ilang malalaking sindikato ng iligal na droga sa bansa.
Ayon kay PDEA Director General Undersecretary Jose S. Gutierrez Jr., ang 16 na impormante ang siyang nagbibigay ng impormasyon sa ahensya sa pamamagitan ng Operation: Private Eye (OPE) upang mabatid ang mga lugar at mga taong nag-ooperate ng naturang iligal na droga.
Ang OPE ay isang uri ng pagbibigay ng pabuya at insentibo na binuo upang hikayatin ang mga pribadong mamamayan na magbigay ng impormasyon sa PDEA hinggil sa mga pinaghihinalaang nag-ooperate ng iligal na droga sa bawat komunidad.
Ang 16 na impormante ay kinilala sa kanilang mga codenames na Mayumi, Jaguar, Lyn, Tutpik, Nina De Castro, Alfa Lima, Kidlat, Jao, Eagle 2, Golf, Lady Gaga, Art Angel 2, Andrew-E, R Star, Dyeta, at Yang Chow.
Sa mga impormante, si Andrew E ang nakatanggap ng malaking halaga na umabot sa P1 milyon. Ang impormasyong ibinigay nito ang nagbunsod para masabat ang dalawang kitchen-type laboratories sa Antipolo City at Pampanga, kung saan nadakip ang limang drug personalities at narekober ang may 600 gramo ng cocaine noong May 30, 2011.
May kabuuang 36 drug personalities, kabilang ang pitong miyembro ng African Drug Syndicate (ADS), ang naaresto at 76 kilograms ng shabu, 39.5 kilograms ng cocaine at 89.1 kilograms ng marijuana, kasama ang mga kemikal ang nasamsam ng PDEA dahil sa impormasyon ng OPE.
- Latest
- Trending