Frat war: UE stude pinabulagta

MANILA, Philippines - Napatay ang isang 20-anyos na Business Administration student habang sugatan naman ang ka­klase nito makaraang pagtulungang saksakin ng mga kabataang miyembro ng kalabang fraternity habang naglalakad sa C. M. Recto Avenue, Sampaloc, Maynila, kamakalawa ng gabi.

Namatay habang gina­gamot sa Mary Chiles Hospital ang biktimang si Webly Puntinglan, 3rd year Ba­chelor of Science in Business Administration (BSBA) sa University of the East at nakatira sa Bustillos Street, Sampaloc, Maynila.

Sugatan naman si Jason Espinola, 23, kapwa­ miyembro ng Samahang Ilokano Fraternity at residente ng Kapiligan St.,  Brgy. Doña Imelda, Araneta, Quezon City.

Sa ulat ni PO1 Richie Caligagan ng Manila Police District-Homicide Section, dakong  alas-7 ng gabi nang maganap ang krimen sa kahabaan ng Recto kung saan magkasamang naglalakad ang dalawa.

Kalalabas pa lamang sa UE campus ang dalawang biktima at iba pang kaklase upang  magtungo sa kalapit na Tropical Hut nang lapitan at pagsasaksakin ng grupo ng kalalakihan na pawang miyembro ngTau Gamma Phi Fraternity.

Isang follow-up operation ang ikinasa ng MPD-Homicide follow-up team para madakip ang mga suspek na hinihinalang mga estudyante rin.

Show comments