Koreanong illegal recruiter, ipinatapon palabas ng bansa

MANILA, Philippines - Mula sa pagiging bilanggo sa New Bilibid Prison (NBP) at mabigyan ng pardon ng nakalipas na adminis­trasyong Arroyo, ipinatapon na pa­labas ng bansa ang isang 47-anyos na Korean national na convicted sa kasong estafa­ at illegal recruitment.

Tiniyak ni Immigration Commissioner Ricardo David­ Jr. na hindi na rin maaari pang tumuntong sa Pilipinas ang dayuhang si Lee Byong Woon, na isinama na ang pangalan sa blacklist ma­karaang ipa-deport kama­kailan patungong Incheon, South Korea.

Sa rekord, noong Marso 2010 nang masentensiyahan si Lee ng Makati Regional at Metropolitan Trial Courts sa large scale at illegal recruitment at estafa.

Dalawang beses pang nakulong sa BI detention cell si Lee nang mabigo itong makatugon sa itinakdang conditional pardon na ipinagkaloob sa kanya ng gobyerno partikular ang hindi pagbabayad ng multang P100,000; actual damages na P30,000 na may 6 na porsyentong interes kada taon at indemnity na P12,000 sa mga nabiktima niya, batay sa ipinatupad na kautusan ng korte.

Hindi rin tinupad ni Lee ang kasunduan sa conditional pardon na kusa itong lalayas ng bansa at hindi na muling babalik pa.

Show comments