MANILA, Philippines - Iminungkahi ni Manila 3rd District Councilor Re Fugoso ang pagsasagawa ng masusing imbestigasyon laban sa mga punerarya na naniningil ng malaki sa mga pamilya ng namatayan.
Ayon kay Fugoso, hindi makatao ang ginagawa ng mga punerarya na naniningil ng malaki kung saan inaabuso ang pagkalito ng isipan ng pamilyang namatayan.
Sinabi ni Fugoso na modus operandi ng mga punerarya na papirmahin ang mga pamilya ng namatayan sa gitna ng kanilang pagdadalamhati.
Kadalasan din umanong sangkot ang mga pulis sa modus kung saan ito ang kumokontak sa mga punerarya kapalit ng komisyon kung saan kukunin naman ng punerarya sa mga namatay.
Kaugnay nito, naniniwala naman si City Administrator Jesus Mari Marzan na malaking kaso ang kakaharapin ng mga punerarya na nagsasamantala.
Payo nito sa mga pamilya, iwasang pumirma sa anumang kontrata dahil ito ang ginagamit ng mga puneraryang collateral o basehan upang gipitin ang mga maliliit na pamilya.