NAPOLCOM nagbabala sa swindling group
MANILA, Philippines - Nagbabala kahapon ang National Police Commission (NAPOLCOM) sa publiko sa bagong grupong nagpapakilalang International Police Commission (Interpolcom) na nadiskubre nilang sangkot sa iba’t ibang iligal na aktibidad sa bansa.
Sinabi ng NAPOLCOM na nagsasagawa ng mga iligal na aktibidad ang grupo sa ilalim ng pagpapanggap bilang legal na tagapagpatupad ng batas sa bansa. Nagpapakilala pa umano ito bilang organisasyon na may akreditasyon ng pamahalaan ng Pilipinas at ng United Nations (UN).
Ang naturang babala ay ginawa matapos na anim na miyembro ng grupo ang masakote kamakailan ng mga tauhan ng Philippine Center for Transnational Crimes-Visayas Field Office, Mactan-Cebu International Airport Authority (MCIAA), at AFP-Military Intelligence Group7 sa Mactan-Cebu International Airport nang magtangkang mag-aplay ng grupo para sa “temporary pass” upang tulungan umano ang paliparan sa pangangalap ng intelihensya.
Nakumpiska ng mga awtoridad sa grupo ang limang kalibre .45 baril na kumpleto ng mga bala na may mga kaduda-dudang mga papeles.
Nabatid na noong 1987, unang nagsumite ng kahilingan ang grupo kay dating Executive Secretary Catalino Macaraig para bigyan ng rekognisyon ang grupo at awtoridad para makipagnegosasyon sa UN para sa anumang uri ng paghingi ng pinansyal na tulong.Nadiskubre ng NAPOLCOM na ang grupo ay isang “non-stock, non-profit” na organisasyon na nagre-recruit ng mga miyembro kasama ang pangako ng matataas na mga suweldo, mga benepisyo, pagbibigay ng badges at identification cards at pagbibigay ng military rank kapag nagbigay ng P500 membership fee.
- Latest
- Trending