5 hijackers sumalakay sa QC
MANILA, Philippines - Tugis ngayon ng Quezon City Police District ang limang armadong kalalakihan, kung saan isa sa mga ito ang nagpanggap na pulis matapos na haydyakin ang isang six wheeler truck na naglalaman ng mga groceries sa lungsod Quezon, ayon sa ulat kahapon.
Ayon kay SPO2 Jimmy Jimena ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police, ang hinaydyak na truck ay pag-aari ng Cruzmar Trucking Services na pag-aari ng isang Jessie Cruz ng Brgy. Greater Lagro.
Umano limang armadong kalalakihan lulan ng isang kotse at isang motorsiklo ang tumangay sa nasabing truck na naglalaman ng mga groceries na nagkakahalaga ng P250,000.
Lumilitaw sa pagsisiyasat na nangyari ang insidente sa may Xavierville Avenue corner Chico St., Project 2 ganap na ala-1 ng madaling-araw.
Bago ito, minamaneho ni Gary Siar, 31, kasama ang mga helper na sina Jacinto Arcipe, 18 at Jojo Diamante, 26 ang naturang truck (UUC-997) at tinatahak ang nasabing lugar nang biglang harangin ng isang motorsiklo kung saan ang isa mga ito ay nakasuot ng uniporme ng pulis.
Ang nasabing groceries ay nakatakda sanang ideliber ng mga biktima sa isang convenience store sa lungsod. Mula rito ay hiningi ng umano’y naka-unipormeng pulis na suspect ang lisensya ni Siar saka pinababa ang huli at kasamahan nito sa truck at pinalipat sa isa hindi matukoy na sasakyan kung saan naroon ang tatlo pang mga suspect.
Sa loob ng sasakyan ay nilagyan ng tape ang kanilang mga mukha at kamay bago tuluyang dinala sila ng mga suspect hanggang sa pababain na lamang sa may bahagi ng Sta. Catalina, Cavite at tinangay ang kanilang truck na naglalaman ng nasabing produkto.
- Latest
- Trending