Presyo ng petrolyo, muling umarangkada
MANILA, Philippines - Dahil sa pagtaas umano ng konsumo sa langis sa kanluran dahil sa winter season, muli na namang nagpatupad ng pagtataas sa presyo ng petrolyo ang mga kompanya ng langis dahil sa pagtaas nito sa internasyonal na merkado.
Epektibo kaninang alas-12:01 ng hatinggabi ay nagtaas ang Pilipinas Shell ng P0.50 sentimos kada litro ng premium at unleaded gasoline, P0.80 sentimos sa regular gasoline at P0.20 sentimos sa diesel.
Kaagad itong sinundan ng pagtataas sa kaparehas ding halaga ng Total, at Petron Corporation dakong alas-6 ng umaga. Wala namang nabago sa presyo ng kerosene.
Sa ipinadalang mensahe ni Toby Nebrida ng Chevron Philippines, itinaas rin nila dakong alas-6 ng umaga ang presyo ng gasolina katulad ng Shell ngunit wala namang pagbabago sa presyo ng kanilang diesel. Nagtaas naman ang independent player Eastern Petroleum ng P.50 sentimos kada litro ng lahat ng produktong gasolina habang P.25 sentimos kada litro ang itinaas sa kanilang diesel.
Sa taong 2011, may kabuuang P4.51 kada litro sa presyo ng gasolina ang iniakyat buhat sa presyo nito noong 2010 habang P6.79 ang itinaas sa diesel sa buong taon.
- Latest
- Trending