PUP president iniutos na lisanin ang puwesto
MANILA, Philippines - Ipinawalang-bisa ng Court of Appeals (CA) ang kautusan ng Manila Regional Trial Court Branch 26 na nagbigay daan sa pananatili sa puwesto ng kasalukuyang Polytechnic University of the Philippines (PUP) president Dante Guevarra.
Nangangahulugan ito na maaari na siyang patalsikin sa pwesto, batay sa 15-pahinang desisyon ng CA 14th Division,sa panulat ni Associate Justice Mario Lopez, na nagbasura sa writ of preliminary injunction na inisyu ni Judge Silvino Pampilo, na pumabor kay Guevarra sa hiling na pigilan ang Board of Regents (BOR) na palitan siya.
Samantala, hindi naman niresolba ng CA ang substantive issues sa kinukuwestiyong kung ang PUP-BOR ay nakatugon sa RA 8292 at Implementing Rules and Regulation sa evaluation ng eligibility ni Guevarra sa reappointment.
Ani pa ng CA, sa kasong ito ay nakagawa ng ‘grave abuse of discretion amounting to lack of excess of jurisdiction’ ang mababang korte sa pag-iisyu nito ng writ kay Guevarra sa kabila ng kabiguang magpakita ng malinaw na batayan ng kaniyang karapatan para manatili pa bilang PUP president.
Petisyuner sa kasong ito ang PUP-BOR na humiling naman sa CA na pigilan ang kautusan ni Judge Pampilo.
- Latest
- Trending