LRTA hinikayat ang mga nais na magnegosyo
MANILA, Philippines - Iniengganyo ngayon ng Light Rail Transit Authority (LRTA) ang mga nais na magtayo ng kanilang negosyo sa mga bakanteng espasyo ng LRT Line 1 , Line 2 at Metro Rail Transit (MRT) upang mabawasan ang ibinibigay na subsidiya ng pamahalaan sa dalawang rail system sa Metro Manila.
Ito’y bahagi ng pagpapalakas ngayon ng LRTA sa pagpaparenta ng kanilang mga espasyo sa bawat terminal upang makatulong sa pagpapaliit ng inilalaan na subsidiya ng pamahalaan sa LRT at MRT.
Sa “bid invitation” na inaanunsyo sa television ads sa mga istasyon ng MRT, nakasaad na: “The LRTA invites interested persons or entities to submit expressions of interest to lease commercial spaces at the LRTA Lines 1 and 2 stations.”
Ang mga nais na mag-bid para makakuha ng puwesto ay maaaring magsumite ng pormal na liham upang ipakita ang interes sa pag-upa hanggang sa itinakdang palugit bukas o Disyembre 14.
Kinakailangan na matugunan ng aplikanteng negosyante ang mga pangangailangan base sa isinasaad ng “terms of reference of the lease contract”. Aaprubahan ng LRTA ang sinumang makapagbibigay ng alok na mapapakinabangan ng husto.
Sa datos ng LRTA, nakapagtala ang dalawang linya ng P3.29 bilyong kita noong taong 2010. Sa kabila nito, hindi umano ito sasapat sa pagbabayad ng lahat ng gastusin lalo na ang pagbabayad sa napakalaking utang na P5.09 bilyon kaya nanatili ang subsidiya ng pamahalaan na P8.92 bilyon kada taon.
Una nang iminungkahi ng pamahalaang Aquino ang pagtataas sa pasahe sa LRT at MRT na inaasahang mag-aakyat ng karagdagang P1.22 bilyong kita kada taon. Inaprubahan naman ng LRTA board ang bagong singil na P11 base fare at dagdag na P1 kada dagdag na kilometro.
Ang average na ibabayad ng isang pasahero na bumibiyahe ng walong kilometro sa LRT at MRT ay P19. Sa mga bumibili ng “single journey ticket”, ang pinakamataas na babayaran nito kung sasakay buhat sa Roosevelt station hanggang Baclaran ay P30. Inaasahang ipatutupad ng implementasyon ng bagong pasahe sa susunod na taong 2012.
- Latest
- Trending