2 miyembro ng 'Estribo gang', patay sa engkuwentro
MANILA, Philippines - Patay ang dalawang umano’y miyembro ng kilabot na ‘Estribo gang’ makaraang makipag-engkuwentro sa tropa ng pulisya ilang minuto matapos na holdapin ang isang maintenance crew sa lungsod Quezon, kahapon ng madaling-araw.
Inilarawan ang isa sa mga biktima sa edad na 30-27, may taas na 4’11’’, nakasuot ng itim na t-shirt, short pants, habang ang isa naman ay nasa pagitan ng edad na 33-35, may taas na 5’1’’, nakasuot ng kulay green na sweat shirt, maong pants at may tattoo na “Bahala na Gang” sa kaliwang tagiliran. Nakaengkuwentro ng mga ito ang mga rumespondeng mobile patrol unit ng QCPD Station 6 matapos na holdapin ng mga suspect ang biktimang si Jun Jimenez, 52, ng Caloocan City.
Sa imbestigasyon, nangyari ang insidente sa kanto ng Commonwealth Avenue at Dupax Sts., partikular sa harap ng Pares Food House, ganap na ala-1:30 ng madaling-araw.
Bago ito, sakay umano ang biktima ng isang pampasaherong jeepney patungong Fairview kasakay ang mga suspect na nagkunwaring mga pasahero.
Habang binabagtas ang kahabaan ng Commonwealth, naramdaman ni Jimenez ang kakaiba sa mga suspect, sanhi para magduda siya at magpasyang bumaba na lang pagsapit sa panulukan ng Feria Road.
Gayunman, pagbaba ni Jimenez ay sumunod sa kanya ang mga suspect at sabay deklara ng holdap gamit ang tig-isang baril, bago tinangay ang belt bag ni Jimenez na naglalaman ng P2,000.
Nang makuha ang pakay ay mabilis na sumakay ang mga suspect sa isang pampasaherong jeep patungong Ever Gotesco mall.
Dito ay agad na humingi ng tulong ang biktima sa mga nagpapatrulyang mobile patrol at hinabol ang mga suspect.
Pagsapit sa Dupax St., ay nagsipagbabaan ang mga suspect sa jeep at nang mabatid na hinahabol sila ng mga awtoridad ay pinaputukan nila ang mga huli, dahilan para mauwi ito sa engkuwentro.
Matapos ang putukan ay nakita na lamang na walang buhay na nakabulagta ang mga biktima sa nasabing lugar. Nabawi rin sa mga suspect ang belt bag ni Jimenez, isang kalibre 38 at kalibre 9mm na baril.
- Latest
- Trending