Retirement benefit ng MMDA ilalabas na
MANILA, Philippines - Matapos ang apat na taong pagkabinbin, ilalabas na rin ng Department of Budget and Management (DBM) ang retirement benefits ng nasa 3,000 retiradong kawani ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Inihayag ni MMDA Chairman Francis Tolentino na inaprubahan na ng DBM ang paglalabas ng pondo para sa benepisyo ng mga retiradong empleyado ng ahensya na nakabinbin pa buhat noong taong 2007 sa panahon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
Nabatid na naglabas na ng direktiba si Pangulong Benigno Aquino III sa DBM na laanan na ng pondo ang MMDA sa mga benepisyong utang nito sa mga dating tauhan matapos na maisaayos na nila ang lahat ng dokumento na iniwan ng dating administrasyon.
Ipinaliwanag ni Tolentino na inabutan na niya ang problema sa nabimbing pamamahagi ng retirement benefits ng naturang mga kawani kaya’t isa ito sa kanyang mga inunang asikasuhin matapos malaman niya na ang iba sa mga naghahabol ng benepisyo ay nakamatayan na ang inaasam na biyaya.
Ngayong umaga ay nakatakdang magpamahagi ng coupon ang MMDA sa lahat ng mga nagretirong kawani na naghahabol ng kanilang retirement benefits na magiging batayan nila kung kailan at saan nila kukuhanin ang kanilang benepisyo.
Ibabatay naman ng ahensiya sa tinatanggap na salary grade ang pamamahagi ng retirement benefits ng mga retiradong kawani habang sa asawa o anak naman ibibigay ang benepisyo ng mga namayapa na.
Sinabi ni Tolentino na ang pamamahagi ng coupon ay isang paraan upang hind maging magulo ang isasagawang pamamahagi dahil dito ilalagay ang schedule ng kanilang pagkuha ng tatanggaping benepisyo.
- Latest
- Trending