Manhunt vs 3 takas na Chinese pinaigting
MANILA, Philippines - Isang malawakang manhunt operations ang isinagawa ngayon ng Parañaque City Police laban sa tatlong Chinese national na pumuga sa Parañaque City Jail gayundin ang paghahanap sa nagtatagong tauhan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na nagpatakas sa mga ito nitong nakaraang Sabado.
Ayon kay Parañaque PNP chief, Sr. Supt. Billy Beltran, ipinakalat na nila ang mga larawan ng tatlong Chinese national na sina Chan Tong Lou, Cheung Wai Leung at Long Zong na pawang nahaharap sa kaso sa iligal na droga.
Isang manhunt na rin ang inilunsad para madakip si Jail Officer 1 Richard Sillatoc na nakita sa “closed circuit television (CCTV) camera” ng bilangguan na nag-escort sa tatlong presong dayuhan palabas ng kanilang selda.
Nabatid na unang pinakain ni Sillatoc ng bulalo ang limang kasamahang jail officers na nakaramdam ng pagkahilo at pagsusuka. Dito sinamantala umano ni Sillatoc ang pagkakataon sa pagpapatakas sa tatlong dayuhang Tsino.
Sa likurang bahagi umano ng city jail pinadaan ni Sillatoc ang mga pinatakas niyang dayuhan at mula noon ay hindi na rin siya pumasok at tuluyan ng nagtago.
Inalerto naman ng Bureau of Immigration ang mga paliparan at daungan upang hindi makalabas ng bansa ang mga dayuhan.
- Latest
- Trending