Bus gagawing mobile classrooms ng TESDA
MANILA, Philippines - Dadalhin ng Technical Educations Skills Development Authority (TESDA) ang libreng pagsasanay pangkabuhayan sa mismong mga malalayong komunidad sa pamamagitan ng kanilang programang “Training on Wheels” kung saan gagawing “mobile classrooms” ang ilang pampasaherong bus para sa mga trainees na nasa liblib na lugar.
Inisyal na gagamit ang TESDA ng dalawang bus na donasyon ng Genesis Transport Services Inc. na siyang ginawang “mobile classroom” upang dayuhin ang mga malalayong probinsya at komunidad sa bansa para bigyan ng pagsasanay ang mga mahihirap na kabataan.
Sinabi ni TESDA Director General Joel Villanueva, ang mga bus ay puno ng kinakailangang kagamitan at mga ekspertong mga tagasanay upang gawing tipikal na “training center” ang mga ito.
Bukod dito, gagawin ring “assessment center” ang mga bus sa mga nais na mabigyan ng akreditasyon ng TESDA o magkaroon ng “seal of excellence” depende sa antas ng kanilang kakayahan upang mas mabilis na magkaroon ng trabaho sa loob at labas ng bansa.
Ginawa ng TESDA ang naturang programa matapos na mapansin na marami sa mga nais magkaroon ng pagsasanay na nakatira sa mga malalayong lugar ang hindi makatungo sa mga training centers habang ang iba naman ay abala sa kanilang pamilya.
Maaaring sumailalim sa mga iniaalok na pagsasanay ng TESDA ang nais na magpaturo sa kanilang mobile centers tulad ng pagkakarpintero, latero, welding, barista, technicians, at iba pang kasanayan na kailangan sa ibang bansa. Matapos ang ilang buwang pagsasanay, magsasagawa ng assessment ang TESDA sa mga magtatapos at bibigyan ng sertipikasyon bilang TESDA specialists.
- Latest
- Trending