Sekyu nagbaril dahil sa nobya

MANILA, Philippines - “Mhie ’yung sinabi ko kanina na magpapakamatay ako gagawin ko yun nd dahil galit ako sayo kung nd dahil mahal kita.”

Ito ang nakita sa sent items na ipinadala sa “Mhie Ko” ng cellphone na pinagbabatayan ngayon ng Manila Police District-Homicide Section, na nagpakamatay ang isang 29-anyos na security guard ng isang hotel sa Malate, Maynila, kamakalawa ng gabi.

Sa ikalawang message sent naman ay mababasa ang “mahal na mahal kita kaya sa kabilang buhay aantayin kita mhie ko”, na ipinadala ng nasawing si Carlo Herrera, ng Forefront Security Agency,   ng North Bay Boulevard, Navotas City.

Sa ulat ni PO3 Alonzo Layugan ng MPD-Homicide Section, nagbaril sa sentido ang biktima dakong alas- 9:30 ng gabi sa loob ng kanilang barracks sa pinaglilingkurang hotel.

Sa nakuhang pahayag sa isang Benjamin Bascona, stay-in maintenance sa nasabing hotel, nakita niyang pumasok sa barracks ang biktima at ilang minuto lamang ay nakarinig siya ng putok ng baril kaya pinasok niya ito at doon nakitang nakahandusay at may umaagos na dugo sa ulo ng sekyu. Narekober sa tabi ng biktima ang service firearm na kalibre .38 at ang kaniyang cellphone.

Patuloy pang sinisiyasat ang insidente para alamin kung may naganap na foul play.

Show comments