MANILA, Philippines - Isang lola ang nasawi makaraang mabundol ng rumaragasang bus habang tumatawid sa south-bound lane ng Bonifacio Avenue sa lungsod Quezon kahapon.
Ayon sa Traffic Sector 1 ng Quezon City Police District, hanggang sa kasalukuyan ay blangko pa rin sila sa pagkakakilanlan ng biktima dahil walang sinuman ang kumilala sa bangkay nito.
Hawak naman ng awtoridad ang driver ng bus na si Marlon Macaraeg, 40, para sa kaukulang pagsisiyasat.
Nangyari ang insidente malapit sa Ipo St., Brgy. N.S. Amoranto ganap na alas-5:30 ng umaga.
Tinatahak ng Genesis bus (CXN-340) na minamaneho ni Macaraeg ang lugar nang biglang tumawid umano ang biktima at mahagip niya ito.
Dead-on-the-spot sa lugar ang biktima na iniwan na lang ng bus sa lugar sa takot na kuyugin ng mga tambay at nagtungo malapit na himpilan ng pulisya para ireport ang pangyayari.