P24-M matitipid ng NBI kada taon
MANILA, Philippines - Makatitipid na ang National Bureau of Investigation (NBI) ng P24-milyon mula sa budget ng susunod na taon dahil libre na ang ahensiya sa operational expenses sa clearance processing system nito.
Ito’y dahil sa halip na umupa ng puwesto para sa clearance center, binuksan na ang apat na palapag na bagong gusali para gawing clearance center na matatagpuan sa tabi lamang ng NBI headquarters sa United Nations Avenue, Ermita, Maynila na ang lote ay pag-aari ng ahensiya.
Ayon kay NBI Deputy Director for Technical Services Atty. Reynaldo Esmeralda, inaasahang malaki ang kanilang matitipid dahil kung pagbabatayan ang naging gastos sa halos 7 taon, milyong halaga ang inabot ng renta sa isang gusali sa Carriedo, Sta Cruz, Maynila hanggang sa ilipat ito sa Victory mall, sa Caloocan City.
Nabatid na nasa P2-milyon ang upa kada buwan sa mall spaces na ginamit bilang clearance center, kaya noong 2009, iniutos ni dating NBI director Nestor Mantaring na magtayo ng sariling gusali para dito sa lote na ginagamit pa noon ng Manila Police District-Station 5.
Noong nakalipas na Hulyo, iniutos naman ni NBI director Magtanggol Gatdula ang paglilipat ng Clearance Processing System pabalik sa NBI headquarters sa Ermita nang matapos na ang kontrata nito sa information techonology (IT) provider Mega Data Corporation, na nag-expire noong Hunyo 30, 2011, na naging provider nila sa loob ng 30 taon.
Kasunod naman nito ang pagpapatupad ng mas high-tech na Biometric Clearance System, na mas mabilis at maikli ang proseso.
- Latest
- Trending