MANILA, Philippines - Nasabat ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang 50 gramo ng shabu mula sa tatlong suspect sa isinagawang buy-bust operation sa isang fastfood chain sa panulukan ng P. Ocampo at F.B. Harrison Sts. sa Maynila.
Nabatid na may street value na P300,000 ang nasabat na droga mula sa mga suspect na sina Mark Anthony Jacinto, Wilfredo Riquez at Myra Francisco, habang binebentahan ng shabu ang isang PDEA agent na nagpanggap na buyer.
Ayon sa mga awtoridad posibleng miyembro ng isang malaking drug trafficking syndicate ang mga suspect na itinuturong nasa likod ng pagtutulak ng shabu sa Metro Manila.
Nagsasagawa rin ng follow-up operation ang mga awtoridad upang agad na madakip at mabuwag ang mga utak nito. (Doris Franche at Ricky Tulipat)