Seguridad sa LRT at MRT, paiigtingin
MANILA, Philippines - Bunsod nang papalapit na Kapaskuhan, inatasan na ng Department of Transportation and Communication (DOTC) ang pamunuan ng Light Rail Transit Authority (LRTA) na maging alerto at paigtingin pa ang ipinatutupad na seguridad sa LRT at Metro Rail Transit (MRT).
Nais ni DOTC Secretary Mar Roxas na matiyak na mabibigyan ng ligtas na biyahe ang kanilang mga pasahero, na inaasahang dadagsa ngayong holiday season.
Tiniyak naman ni LRTA Spokesperson Atty. Hernando Cabrera na maayos ang lahat ng tren para walang aberyang magaganap.
Maging ang mga elevator at escalator sa mga terminal ng train ay iinspeksiyunin din umano nila.
Sa susunod na linggo ay maglalaan na rin umano sila ng special lanes sa mga istasyon para sa mga pasaherong may bitbit na regalo para isa-isang bubuksan ng mga guwardiya ang mga ito.
Kaugnay nito, pinayuhan ni Cabrera ang lahat ng pasahero na kung sasakay ng MRT/LRT na may dalang regalo ay mas mabuting huwag muna itong balutin dahil ito ay kanila ring bubuksan para inspeksyunin.
Magtatalaga na rin umano sila ng mas maraming bomb-sniffing dogs at metal detectors sa mga train stations.
Pinag-aaralan pa naman ng LRTA kung magpapatupad ng ekstensiyon sa biyahe ng MRT at LRT dahil isinasaalang-alang nila ang maintenance period para sa mga tren.
- Latest
- Trending