MANILA, Philippines - Malungkot ang Pasko ng may 100 pamilya sa Pasay City makaraang matupok ang kanilang mga bahay sa may limang oras na sunog kamakalawa ng gabi.
Pasado alas-7 ng gabi nagsimulang sumiklab ang apoy sa boarding house ng isang Valerio Gonzales sa may Maginhawa St., Brgy. 14 Zone 1, ng naturang lungsod.
Mabilis na kumalat ang apoy sa mga karatig-bahay hanggang Estrella St. na karamihan ay gawa sa light materials matapos na sumiklab ang mga kawad ng kuryente nang hindi agad maputol ang suplay ng kuryente sa naturang lugar.
Umabot ang sunog sa Task Force Bravo na naapula lamang ng mga bumbero dakong alas-12:15 na ng madaling-araw.
Sugatan sa naturang insidente ang fire volunteer na si Dick Uy, 47, ang residente na si Cezar Ramirez na nagtamo ng 2nd degree burn at isang Romulo Tuquero.
Maaari umano na ang sala-salabat na kawad ng kuryente sa naturang lugar ang sanhi ng sunog. Tinatayang umaabot sa P1.5 milyong halaga ng mga ari-arian ang naabo sa naturang sunog.