MANILA, Philippines - Ilulunsad ng pamahalaang lungsod ng Maynila kasama ang Department of Health (DOH) ang mga paraan upang maiwasan ang anumang aksidente sa pagpapaputok bilang bahagi ng tradisyunal na pagsalubong sa Bagong Taon.
Ayon kay City Administrator Jesus Mari Marzan, pormal na ilulunsad sa Disyembre 6 ang “Aksyon: Paputok Injury Reduction”(APIR) o (Give me five) na naglalayong bigyan ng proteksiyon ang publiko sa pagpapaputok.
Sinabi ni Marzan na dapat na magkaroon lamang ng itatalagang lugar kung saan maaaring magpaputok.
Ito’y upang maiwasan ang insidente ng sunog at disgrasya sa mga nagpapaputok.
Pinaalalahanan din ni Marzan ang mga nagtitinda ng paputok na tanging ang Department of Trade and Industry lamang ang siyang may karapatang magdetermina kung anong mga paputok ang dapat na ibenta sa merkado. Ito ay sinisiguradong ligtas.
Giit pa ni Marzan, mahigpit na ipinagbabawal ang pagbebenta ng mga malalakas na paputok tulad ng bawang, pla-pla at five star.
Idinagdag pa nito na bawal din ang pagsusunog ng gulong bilang proteksiyon sa kalikasan.