2 salvage victims natagpuan
MANILA, Philippines - Dalawang lalaking hinihinalang biktima ng summary execution ang natagpuan sa San Juan kamakalawa ng gabi.
Ayon kay PO3 Jeffer Marcelo ng San Juan Police, dakong alas-11:00 ng gabi nang madiskubre ang bangkay ng mga di-kilalang biktima sa madilim na bahagi ng Brgy. Maytunas, San Juan.
Inilarawang nasa 20 hanggang 25 taong gulang lamang ang mga biktima at kapwa nakasuot ng denim pants.
Ang isa ay nakaitim na t-shirt habang ang isa ay nakaputi. Kapwa nakapiring ang mga mata ng mga ito na dinikitan pa ng electrical tape.
Sinabi ni Kagawad Peter Galindo na nagpapatrulya sila nang makatanggap ng tawag sa radyo na may natagpuang mga bangkay sa lugar.
Nakaposas ang mga biktima na hinihinalang miyembro ng Sputnik Gang dahil sa mga tattoo na natagpuan sa kanilang katawan.
Ang isa ay may tama ng bala ng baril sa kanang sentido habang ang isa ay may tama rin ng bala ng baril sa noo na siya nilang ikinasawi.
Naniniwala ang pulisya na pinahirapan muna ang mga biktima bago pinaslang dahil sa mga sugat at pasa na natagpuan sa katawan ng mga ito.
Sa naturang lugar na rin umano pinatay ang mga biktima matapos makarekober ng ilang basyo ng bala.
- Latest
- Trending