Mister na may kanser, nagbaril sa sarili
MANILA, Philippines - Isang 40-anyos na mister ang nagpakamatay sa pamamagitan ng pagbaril sa sarili matapos tumindi ang depresyon dahil sa sakit na cancer, sa Tondo, Maynila, kamakalawa ng hapon.
Nakabulagta sa kama si Rodelio Liwag, ng Sevilla St., Tondo, nang pasukin ng kanyang misis sa kanilang kuwarto na may dugo sa dibdib at katabi ang 9mm kalibreng baril.
Sa imbestigasyon, dakong alas-4:00 ng hapon nang maganap ang insidente sa kuwarto ng mag-asawa.
Nabatid na kagagaling pa lamang umano sa Mary Johnston Hospital ng biktima, kasama ang kanyang ama at asawa para sa kanyang regular na check-up sa sakit na cancer sa lalamunan.
Nang pag-uwi ay agad umanong nagsabi sa misis ang biktima na gusto niyang magpahinga at saka pumasok sa silid.
Hindi pa umano nagtatagal nang makarinig ng malakas na putok ang misis at nang tingnan ang mister sa kuwarto ay doon nakita na duguan na ito.
Noon lamang nakalipas na buwan ay nagtangka na ring magpakamatay ng nasawi subalit ito ay napigilan lamang.
Problemado umano ang biktima dahil sa nararamdamang sakit at awa sa sarili dahil sa kawalan ng perang pampagamot, bukod pa sa pag-iisip umano nito na wala siyang magawa at sa halip ay alagain pa ng kanyang pamilya.
Samantala, nasa kritikal na kondisyon ang isang lalaki matapos itong magbaril sa kanyang ngala-ngala sa harap ng kanyang mga kainuman kamakalawa ng gabi sa Navotas City.
Nakilala itong si Arman Nodalo, 31, ng Kadiwa Ext. Leongson St., Brgy. San Roque ng nasabing lungsod.
Sa report ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas-10:30 ng gabi sa bahay ng isang alyas Meck-Meck na matatagpuan sa Tulay 16, Tabing Dagat, ng nasabing barangay.
Ayon sa saksing si Jomar Bacsal, 17, kaibigan ng biktima, kasalukuyan silang nag-iinuman kasama ng ilan pa nilang mga kaibigan sa naturang lugar nang bigla na lamang inilabas ng biktima ang nakatago nitong kalibre 38 na baril.
Bigla na lamang itinutok ng biktima sa kanyang ngala-ngala ang baril saka kinalabit na naging dahilan upang tumagos ang bala sa ulo nito.
- Latest
- Trending